Tuesday, June 22, 2010

TUNAY NA KASAGUTAN SA PROBLEMA NG EDUKASYON SA PILIPINAS ni Juan dela Cruz

Nakakalungkot isipin na ang pangunahing dahilan kung bakit hindi naipagpa-patuloy ng isang kabataan ang kanyang pag-aaral sa eskwelahan ay dahil sa KAHIRAPAN sa buhay. Ang karaniwang problema ay pamasahe, baon, gamit sa eskwela at pambayad sa mga bayarin na hindi naman talaga dapat bayaran ayon sa Kagawaran ng Edukasyon. Dapat daw ay Libre ang Edukasyon sa mga pampublikong paaralan, pero ang totoo ay hindi naman talaga ito ang katotohanan nangyayari sa bawat paaralan..

Napaka-simple naman ng kasagutan sa mga problema sa sistema ng edukasyon sa ating bansa. Kung ang iniisip nila ay kung saan kukuha ng pondo ang gobyerno para matustusan ang mga kakulangan sa mga pangangailangan dito ay simple ang kasagutan sa problema.. sa ating kapaligiran natin makukuha ang solusyon. Ang Pilipinas ay mayaman sa likas na yaman.. nandiyan ang kagubatan at kabundukan na pangunahing mapagkukunan ng mga kakailanganin sa mga paaralan tulad ng troso na pang-gawa ng papel, at kung anu-ano pang mahalagang pag-ga-gamitan. Ang gobyerno ay may kapangyarihan gamitin ito at paunlarin, ang nakapagtataka bakit hindi maisip ng pamahalaan ang ganitong paraan at bakit inaasa na lang sa paulit ulit na sistema na umiiral na dapat ang mga magulang ang dapat magbigay ng mga ito sa kanilang anak. Ngunit alam naman natin na sa sobrang kahirapan ng mga pamilyang ito ay hindi na naiisip kung paano mapagkakasya ang kakarampot na kinikita sa kung anu-anong trabaho na kanilang pinapasok para lang may maipangtawid sa kanilang sikmura sa araw-araw at hindi na nga nila napagkakasya pa para masuportahan ang edukasyon ng kanilang mga anak. Kung ang gobyerno ang siyang magbibigay ng pangangailan sa mga estudyante siguradong matutugunan nila ang sinasabing LIBRENG EDUKASYON. Paano? Simple ang kasagutan;

Una: kung ang problema ng paaralan ay mga silid-aralan, dapat magkaroon ang gobyerno ng sariling gawaan ng mga kagamitan para sa pagpapatayo ng silid-aralan, tulad ng yero, bakal, semento, hollow blocks, kahoy at iba pa at hindi inaasa sa mga contractors o suppliers na gagawa para sa gobyerno na sa bandang huli ay taong bayan din naman ang talo, dahil alam naman natin na sa iilang tao lamang naman napupunta ang pondo na dapat ay maipang-aayos sa kakulangan tulad ng pagpapatayo ng mga buildings para sa karagdagang silid-aralan ng mga estudyante, mga upuan, blackboard at lamesa na karaniwang kailangan sa isang paaralan. Pero hindi pa ba tayo natuto sa mga pang-uumit ng ilang opisyal ng pamahalaan hanggang kailan ba tayo magbubulag-bulagan sa ganitong sitwasyon na talagang garapalan na nangyayari sa ating pamahalaan, bago maipatupad ang isang programa para pangtugon sa problema ay malaking halaga na ang naibubulsa lamang ng mga corrupt na opisyal at hindi napupunta sa programang nakalaan talaga para dito; sa bandang huli ang problema sa kakulangan ay patuloy pa din umiiral dahil sa sistemang alam naman nating hindi kasagutan sa talagang problema.

Pangalawa: kung ang kailangan ng mga estudyante ay mga gamit sa pag-aaral tulad ng notebook, lapis, libro at ballpen at iba pa.. dapat ay magkaroon ang gobyerno ng sariling gawaan ng mga ito o imprentahan na siyang magpa-pamahagi sa bawat mag-aaral upang kanilang magamit sa kanilang pag-aaral. Kung may sariling gawaan ng libro ang gobyerno siguradong bawat isa sa mga bata sa paaralan ay may kaniya-kaniyang aklat na pag-aaralan. Kung may sariling gawaan ng lapis ang gobyerno, siguradong bawat isang estudyante ay matuto sa pagsusulat. Kung may pagawaan ng notebook ang gobyerno, hindi na kailangan pang mamoblema ang mga magulang kung saan kukuha ng pera para makabili ng isang notebook na alam naman natin na may kamahalan at hindi kayang matugunan para sa kanilang mga anak ang malaking gastusin para dito. Kung ang gobyerno ay talagang seryoso sa ganitong adhikain na ang bawat kabataang Pilipino ay makapag-aral ng libre, ganito dapat ang kanilang unang isipin, na ang gobyerno ang gagawa ng paraan upang matugunan ang kanilang pangangailangan, sa kanila mismo dapat manggaling ang pantugon sa bagay na ito. Upang sa ganun ay maibigay ng pamahalaan ang talagang pagtulong sa bawat kabataang Pilipino na gustong mag-aral.

Kay sarap sanang pakinggan ang bansang, ang gobyerno ay totoong naglilingkod sa kanyang bayan.. Oo madaling sabihin ang mga bagay na ito, pero lubhang mahirap maganap talaga sa totoong buhay dahil ang sistemang umiiral noon at ngayon ay paulit-ulit lang naman na nararanasan ng bawat henerasyon ng mga bagong kabataan at mukhang hindi na mababago pa.. at sa bandang huli ang taong bayan pa rin ang hindi makikinabang sa ganitong sistema at patuloy na aasa kung paano nila maiiaangat ang kanilang antas ng pamumuhay sa lipunan. Dapat baguhin ang sistema, dapat tumingin tayo sa talagang kasagutan kung ano ba talagang sistema ang angkop na dapat gawin para sa problemang nangyayari sa ating bansa. Hindi pa ba natin naiintindihan na ilang dekada na ang lumilipas ngunit ganito pa rin ang sistema na umiiral at paulit-ulit lang naman ang kinalalabasan na problema.. kakulangan ng mga kagamitan para sa pag-aaral ng mga kabataan.

Kung sa unang taon ng bagong halal na pangulo ng Pilipinas na si Noynoy ay magpapatayo ng factory ng notebook, papel, at libro ang pamahalaan para makapag-supply sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.. ang bilyong bilyong piso nakalaan sa pondo ng edukasyon sa pagbili sa mga suppliers ng mga libro ay tiyak na malaki ang matitipid nito kung ang gobyerno ang may sariling makinarya na gagawa para dito at mailalaan ang natipid na pera sa iba pang bagay na mahalaga para sa Edukasyon. Imposible kayang mangyari ito? Sa palagay ko hindi imposible kung pag-aaralan lamang maigi ang mga bagay na ito ng ating pamahalaan. Unti-unting gawin ika nga para kapag dumating ang araw na may pabrika na ng libro, papel, at notebook ang pamahalaan at pabrika na magsu-supply ng mga kagamitang kailangan sa pagbuo ng isang silid aralan at matutugunan na rin nito ang kakulangan sa pabahay ng mga mahihirap nating mamamayan na matagal ng inaasam na magkaroon ng sariling bahay at upang kahit papaano ay makaranas ng kaunting kaginhawaan sa kanilang buhay.

Sana ay dumating ang araw na ito na ang bansang Pilipinas na ang kanyang Pamahalaan ay tunay na tumutugon sa mga pangangailangan ng kaniyang mamamayan para sa ikauunlad ng bawat isang Pilipino.